Sunday, June 06, 2010

Unbroken glass: Isang Maikling Kwento

Mataimtim akong nagbabasa ng librong Other Boleyn Girl ni Philippa Gregory sa Powerbooks. Badtrip kasi ako ngayong araw. Napag-initan ako ni boss sa trabaho, hindi ko nakuha ang loob ng kliyenteng Kano na nakipagtransaksyon kanina, kaya naman matapos ang work, nilakad ko ang kahabaan ng Ayala para makarating sa Greenbelt at deretso agad sa bookstore na ‘to. Alam mo na, para mag-unwind at panandaliang limutin ang realidad sa pamamagitan ng pagbabasa. Nasa kalagitnaan na ko ng pagbabasa nang mawala ang konsentrasyon ko dahil sa nakakairitang tunog. Yun pala, isang lalaking naka-headphone ang umupo sa likod ko. Di naman ako masungit at bugnuting tao, pero sa panahong ganito na badtrip ako ayokong may umiistorbo sa pagbabasa ko. Ubod ng lakas ng kanta sa MP3 niya, bingi na siguro ang taong ‘to. Lumalabas na sa headphones ang tunog ng pinakikinggan niya. Kung di ako nagkakamali ang pinapatugtog niya ay Sweet Child of Mine ng Guns and Roses. Makaluma naman ang taong to sa loob loob ko. Di na ko nagpatumpik-tumpik pa, kinalabit ko na siya. Laking gulat ko ng lumingon siya at ng makita ko ang kaniyang muka.

“Berns?!” Bulalas ko.

Berns, Berns, Berns, Bernard Suico, pano ko naman malilimutan ang taong ‘to. Si Berns na kaisa-isa kong ex, pinakisamahan ng tatlong taon, si Berns na nag-paalam at di na bumalik kaya pilit kong kinalimutan sa nakalipas na limang taon.

Hindi pa rin siya nagbabago, gwapo pa rin. “O Nina, Ba’t parang nakakita ka ng multo?” sabay ngiti niya. Hindi ko sinagot ang tanong na yun. N.R. kuno ako, siyempre galit pa din ako sa nangyari. Nagpaalam siya ng walang dahilan at matapos noon tuluyan ng naputol ang komunikasyon namin. Hindi ko na siya nakita matapos noon. Hindi na siya pumasok sa school, graduating pa naman kami noon. Bagamat hindi kami magka-batch sabay sana kami ga-graduate dahil 5th year niya na yun sa Archi ako naman 4th year na sa CFAD. Sobrang sayang. Pero ganun talaga. Wala akong ideya sa kung anumang dahilan ng aming paghihiwalay. Naiisip ko tuloy minsan, masyado ko na ba siyang mahal kaya nasakal na siya? O marami pa kong pagkukulang kaya nagkaganun? Wala pa din akong sagot kahit ngayon. Ayoko na lang din isipin. Tutal matagal na din ang limang taon. Sapat na ‘to para sabihing naka-move on na ako.

Dahil hindi ako sumagot, inaya niya na lang ako sa coffee shop o sa dinner. Wala pa din akong sagot. Kaya ang ending, hinatak niya na lang ako at wala na kong nagawa. Kaharap ko na siya ngayon sa isang lamesa dito sa Chinese Restaurant. Kami lang dalawa. Ano ba ‘tong pinasok ko? Dapat nag-object man lang ako. Pero naisip ko mas okay na ‘to kaysa naman sa coffee shop kami, mas mahaba ang usapan pag doon kami napadpad. Ok na din ‘to. Magpapanggap na lang ako na kumakain mamaya. “Waiter, Isang yang chao nga, birthday noodles, Fish Tofu at Beef Brisket. Tsaka dalawang Iced Tea na din. May gusto ka pa ba, Nina?” Hindi pa din ako sumagot. “Ah sige, kuya, Yan na lang muna. Salamat.” Ibinaba niya na ang menu, at kinuha ang kamay ko. Grabe, nanlamig ako. Dahil hindi ko alam ang gagawin ko. Ngayon ko lang napagtanto, wala pa ding nagbago sa nararamdaman ko, kahit may galit, mahal ko pa din siya. Na-miss ko nga ang ganitong pagkakataon na hinahawakan niya ang kamay ko. Pinalis ko ang kamay niya, pero nagpumilit pa rin siya. “Nina. Yung nangyari dati…” Pinutol ko na ang sasabihin niya. “Kung hihingi ka ng tawad at magpapaliwanag kung bakit ka nawala, ‘wag mo na ituloy. Masyado ng matagal yun, huli na ang lahat.” Hinigpitan niya ang hawak sa kamay ko. “Nina, pagbigyan mo na ko. Huli na ‘to. Hayaan mo naman akong makabawi.” Patuloy na lang siyang nagkwento, at di na lang ako kumibo hanggang sa dumating na ang mga inorder niya.

Walang kamustahang naganap. Sinimulan niya na ang litanya niya “Alam mo ba kung bakit ako nawala?, alam ko hindi mo alam. Sobrang nagsisisi ako na di ko ipinaalam sa’yo. Ang tanga tanga ko Nina! Alam ko yun. Di na ko nagtataka kung bakit ka galit sakin ngayon. Ayos lang sakin kahit sampal-sampalin mo pa ko. Ako naman kasi ang nagkasala.” Gusto kong maiyak, maawa pero di niya pa rin sinasabi ang dahilan. Tumungo na lang ako habang unti-unting kumakain. “2004 nang magpaalam ako sa’yo. Kung alam mo lang ang pinagdaanan ko, nawalan ako ng direksyon sa buhay. Lalo pa’t wala akong naging karamay. Nagkasakit kasi noon si Mama, na-diagnosed siya ng Cancer of the Colon, Stage 3, Si Kuya Brian naman nawalan ng trabaho, Si Bernice, nabundol ng truck. Hindi ko alam ang gagawin ko nun. Wala akong pagkukuhanan ng pera, si Papa dahil kaka-retire lang kakaunti lamang ang naipong pera, hindi sapat para tustusan ang pagpapagamot kay Mama at Bernice. Si Kuya kahit walang trabaho, ume-extra kay Tito sa tindahan niya para naman kumita kahit papano. Ako naman napilitang maghanap ng trabaho. Kaya iniwan ko ang pag-aaral, kahit na ilang buwan na lang sana nun ga-gradweyt na ko. Nakahanap naman ako awa ng Diyos. Pero sobrang hirap Nina, hati ang katawan ko sa umaga magbabantay ako, sa gabi shift ko naman sa call center. Halos di na ko natutulog, naging bahay ko na ang Ospital ng Maynila dahil dun na ko tumutuloy. *Blag!!!* Nahulog sa sahig ang basong iniinuman ko. Tila nakikiramay sa emosyong nararamdaman ko na magkahalong awa, galit at lungkot. Bakit kaya di niya man lang ako sinabihan sa mga pinagdaanan niya noon? Para saan pa at naging girlfriend niya ako? Pinulot niya ang baso at sumenyas sa waiter para humingi ng bagong Iced Tea, isang himala na hindi nabasag ang baso. Matapos iabot ng waiter ang order, nagpatuloy na siya sa pagkukwento. Namumula na ang mata niya, pigil na pigil ang pag-iyak. “Iniisip ko noon kung dapat kong sabihin lahat sa’yo ito noon. Pero napag-desisyunan kong ‘wag na lang. Ayokong dalin mo pa ang problema ko. Sabi ko sa sarili ko, aayusin ko muna lahat ‘to bago kita balikan. Nagkamali ako. Sana pala naging totoo na lang ako sa’yo.” Tumulo ang luha niya. Sa ngayon, ako na mismo ang humawak sa kamay niya. “Kung maibabalik ko lang ang panahon…” Itinuloy ko ang sasabihin niya. “Hindi mo sana ko iniwan at sinabi mo sana sakin lahat ng ‘to, tama ba?” Umiiyak pa din siya at ako, nanatiling matigas. “Oo, di bale ng iwan mo ko dahil puno ako ng problema at least nalaman mo manlang sana ang pinagdaanan ko. Pero di ko nagawa! Kaya sorry talaga. Kung may salita mas hihigit sa sorry yun na ang ibig sabihin ko. Hindi pa rin nagbabago ang nararamdaman ko sa’yo pero alam ko huli na ang lahat.” Nagkaron ng panandaliang katahimikan matapos niyang huminto. “Alam mo Berns, Hindi mo na sana pinatagal ‘to. Maiintindihan naman kita kung may pinagdadaanan ka nun eh. Kahit bata pa tayo noon, mature na din naman ang pag-iisip ko nun. Hindi kita pakakawalan ng dahil lang sa marami kang problema. Binigyan mo sana ko ng pagkakataong tulungan ka.” Tinitigan niya ako. “I know. Kaya nga ang tanga ko eh. Sorry talaga, baka hindi mo na ko mapatawad. Sobrang tagal ng limang taon. Nakita mo ba ang basong nahulog kanina? Ganun ako Nina, nagpakatatag kahit nahuhulog hangga’t sa makaahon na ko sa hirap. Nung naging maayos na ang lahat, hinanap kita, maniwala ka. Hindi na nga lang ako nagtagumpay dahil pati sa barkada ko nawalan na ko ng komunikasyon. Sana mapatawad mo pa ko, kahit na hindi na tayo mag-usap after nito, malaman ko lang na napatawad mo na ko. Magiging mapayapa na ang loob ko.” Tiningnan ko siya mata sa mata. “Hindi ako Diyos para hindi ka patawarin Bernard, hinintay ko din ang araw na ‘to. Gusto ko din naman ng maayos na closure, yung hindi basta paalam na walang dahilan. Limang taon din akong nagtaka sa nangyari satin, umasa na babalikan mo ko. Kaya nga hanggang ngayon single pa din ako eh. Kung kapatawaran lang ang hinihingi mo, matagal ko ng naibigay sa’yo yun. Yung galit na ‘to maya maya lang wala na ‘to. May katwiran ka din naman kahit papano, kaya pinapatawad na kita.” Tumayo siya at niyakap ako, umiiyak pa din siya. Binulong niya sa akin “Salamat Nina, I love you…” Naiyak na din tuloy ako. Wala na kong pakialam kung ano sabihin ng taong nakapaligid. Eksena na kung eksena. Moment namin ‘to.

*Kriiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiing Kriiiiiiiiiiiiiiiiiiiing!!!*

Nagising ako sa tunog ng alarm clock. 10 am na pala! Kanina pa ring ng ring ang alarm clock na ‘to. Tinignan ko ang paligid, basa ang unan ko. Panaginip lang pala ang lahat. Napatingin ako sa kalendaryo, Holiday pala ngayon. December 31, 2009. Balik sa normal ang buhay ko. Binukas ko ang TV. “Breaking News, Isang lalaking nasaksak kaninang madaling araw sa EDSA matapos ipagtanggol ang mag-lolang tinututukan ng patalim ng holdaper namatay. Napag-alamang ang lalaking ito ay nagngangalang Bernardo Suico,na taga-Cubao ayon sa ID sa bag nito. Ang mga labi ng bangkay ni Suico ay ibinigay na sa pamilya at napagpasyahang iburol siya sa Paz Funeral sa Cubao…” Pinatay ko ang TV. Hindi ako naiyak, oo nalulungkot ako sa pagkamatay niya, pero natutuwa ako na sa huling sandal ng buhay niya, nakuha niyang mag-paalam at magpaliwanag sakin sa pamamagitan ng panaginip. Oo nga pala, bagong taon na bukas, sinadya niya siguro to para makapagsimula na ko ng maayos na buhay bukas. Panibagong tsapter kung saan wala na siya. Dali dali akong nanalangin para sa kaluluwa niya at nag-ayos na para bisitahin ang kanyang burol.
-End-

Author's note: All characters and event are not related from the author, everything was just a product of my imagination. This was my first short-story ever.

4 comments:

MML said...

Sorry this is just too much Tagalog for me to handle (nosebleed) lol

Rosette said...

It's okay man. :))

MML said...

Like I didn't even bother to read it (sorry) :))

Rosette said...

It's fine by me. don't you worry. :)